Suportado ng Sangguniang Panlalawigan ang hakbang ng administrasyon ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III na palawakin at paunlarin ang Capitol Complex sa Lingayen sa pamamagitan ng pagkuha ng pangmatagalang kontrol sa halos 20 ektaryang beachfront property ng lalawigan.
Sa regular na sesyon nitong Lunes, tinalakay ng SP ang Provincial Resolution Nos. 1336-2026 at 1337-2026 na magbibigay ng awtoridad kay Gov. Guico upang mag-aplay ng Gratuitous Special Use Permits (GSUPs) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa dalawang lupain na may kabuuang lawak na halos 20 ektarya sa mga barangay Poblacion at Libsong West sa Lingayen.
Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, bahagi ito ng pangmatagalang plano ng lalawigan na gawing world-class government, tourism, cultural, at heritage destination ang Capitol Complex habang pinananatili ang makasaysayang identidad ng Pangasinan.
Kabilang sa unang property na may lawak na humigit-kumulang 10 ektarya ang bahagi ng Lingayen Baywalk, Capitol Resort, Tourism Rest Area, Reflecting Pool at Interactive Fountain, Veterans Park, at ang itinatayong Convention Center. Samantala, sakop naman ng ikalawang property na may lawak na 9.7 ektarya ang beachfront area sa hilagang bahagi ng Baywalk kung saan planong itayo ang isang pampublikong plaza at harbor.
Ipinaliwanag ni Lambino na bagama’t mayroon nang Special Land Use Permit ang lalawigan para sa bahagi ng lugar, umaabot sa halos P10 milyon kada taon ang binabayaran nito sa DENR. Sa pamamagitan ng GSUP, mawawala ang taunang bayaring ito habang napapalakas ang legal na karapatan ng lalawigan sa mga nasabing lupain.
Dagdag pa niya, mahalagang hakbang din ito tungo sa layunin ng provincial government na makakuha ng presidential proclamation na tuluyang maglilipat ng pagmamay-ari ng mga reclaimed government lands sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.
Bahagi ang mga lupang ito ng malawakang Capitol Redevelopment Program ng administrasyong Guico na kinabibilangan ng Reflecting Pool at Interactive Fountain, Twin Tower Government Center, Convention Center, Capitol Plaza and Harbor, pagpapaganda ng Veterans Park, road widening at drainage projects, at planong pagtatayo ng isang world-class hotel.
Ayon sa mga opisyal ng lalawigan, layunin ng programa na mapahusay ang serbisyo publiko, makalikha ng mga bagong atraksyong panturismo, makapagbigay ng mas maraming pampublikong espasyo para sa mga residente, at higit pang mapalakas ang imahe ng Pangasinan bilang isa sa mga nangungunang lalawigan sa Hilagang Luzon.










