Nagsagawa ang pamahalaang bayan ng Lingayen ng multisectoral peace and order summit na naglalayong palakasin ang seguridad ng mga establisimyento at maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw sa bayan.

Ayon kay Gabriel Cornel, pinuno ng DILG sa Lingayen, taunang isinasagawa ang summit at nag-iiba ang mga sektor na kalahok. Para sa taong ito, inimbitahan ang mga kinatawan ng mga negosyo, kabilang ang mga bangko, hotel, resort at iba pang establisimyento.

Layunin ng pagtitipon na makabuo ng maayos na koordinasyon at mga protocol para sa seguridad ng mga negosyo, gayundin ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga kalahok na maglahad ng mga alalahanin at mungkahing makatutulong sa pagpapanatili ng kaayusan.

--Ads--

Sinabi ni PLtCol. Junmar C. Gonzales, hepe ng Lingayen PNP, na tinalakay sa summit ang mga hakbang upang maiwasan ang robbery at theft. Kabilang sa mga inimbitahang resource speaker ang mga kinatawan ng LDRRMO, anti-cybercrime unit, Bureau of Fire Protection at traffic management upang magbahagi ng kaalaman sa kaligtasan, pagtugon sa emerhensiya at maayos na pamamahala ng trapiko.

Iminungkahi rin ng pulisya ang regular na pagsusuri at pagsubok sa mga alarm system ng mga establisimyentong nakikipag-ugnayan sa kanila, lalo na tuwing Biyernes pagkatapos ng oras ng trabaho. Layunin nitong matiyak na gumagana ang mga alarma at mapalakas ang kahandaan ng mga negosyo sa posibleng insidente sa katapusan ng linggo.

Ayon kay Gonzales, maaari ring pag-aralan ang pagbuo ng kasunduan sa pagitan ng mga katuwang na ahensya upang mas mapagtibay ang mga patakaran at koordinasyon laban sa ilegal na gawain.

Nagpasalamat naman ang DILG at Lingayen PNP sa suporta ng pamahalaang bayan at mga katuwang na ahensya sa pagsasagawa ng summit. Hinikayat din ang mga negosyo na patuloy na makipag-ugnayan sa pulisya para sa mga usaping may kinalaman sa kanilang seguridad.