Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang anumang pananakit ng buto dahil maaaring ito ay senyales ng mas seryosong kondisyon gaya ng bone cancer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Wilsky Delfin – Natural health/herbalist consultant tinalakay niya ang mga uri, sintomas, at kahalagahan ng maagang diagnosis ng sakit.
Aniya, may dalawang uri ng bone cancer: ang primary bone cancer na nagsisimula mismo sa buto at itinuturing na bihira, at ang secondary bone cancer na nagmumula sa ibang uri ng cancer tulad ng breast, prostate, lung, kidney, at thyroid cancer na kumakalat sa buto.
Ayon kay Delfin, hindi agad dapat ikabit sa cancer ang pananakit ng buto dahil maaari rin itong dulot ng ibang kondisyon tulad ng problema sa gulugod, kalamnan, o osteoporosis. Kaya mahalaga ang tamang pagsusuri at konsultasyon sa doktor bago gumawa ng anumang hakbang o gamutan.
Kabilang sa mga sintomas na dapat bantayan ang tuloy-tuloy na pananakit ng buto lalo na sa gabi, pagkakaroon ng bukol o pamamaga sa kasukasuan, madaling pagkapagod, panghihina, at pagiging marupok ng mga buto na madaling mabali.
Giit niya, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga ganitong senyales dahil maaaring indikasyon ito ng mas seryosong kondisyon.
Para sa diagnosis, sinabi niya na karaniwang ginagamit ang X-ray, MRI, CT scan, at bone scan upang matukoy ang kondisyon.
Pinayuhan niya ang agarang konsultasyon sa mga espesyalista tulad ng orthopedic doctor o oncologist para sa tamang diagnosis at gamutan.
Dagdag pa niya, mahalaga ang tamang nutrisyon, sapat na ehersisyo, pahinga, at pag-inom ng bitamina tulad ng calcium at vitamin D upang makatulong sa kalusugan ng buto.
Binanggit din niya ang ilang halamang-gamot gaya ng malunggay, sambong, bayabas, at luyang dilaw bilang maaaring makatulong sa suporta ng katawan, ngunit nilinaw na hindi ito kapalit ng medikal na gamutan.
Hinikayat naman ni Dr. Delfin ang publiko na maging maagap sa pagpapatingin sa doktor at disiplinado sa pangangalaga ng kalusugan upang maiwasan ang paglala ng mga seryosong sakit.










