Dagupan City – Ipinag-utos na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang pagtitipid sa tubig at kuryente bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.

Ayon kay Pangasinan Provincial Administrator Atty. Manuel Luis Jr., inatasan na rin ang mga empleyado ng kapitolyo na ayusin at limitahan ang paggamit ng kuryente bilang bahagi ng energy conservation measures ng pamahalaang panlalawigan.

Inaasahan naman aniya sa Nobyembre ang posibleng epekto ng El Niño sa panahon ng cropping season.

Bilang paghahanda, magsasagawa rin ang lalawigan ng Farmers Congress kung saan iimbitahan ang mga kinauukulang ahensiya upang matalakay ang mga hakbang at suportang maaaring ibigay sa mga magsasakang posibleng maapektuhan ang mga pananim.

Hinikayat din nito ang mga magsasaka na isaalang-alang ang pagtatanim ng mga pananim na hindi nangangailangan ng maraming tubig, gaya ng mais, upang makatulong na mabawasan ang epekto ng inaasahang kakulangan sa suplay ng tubig.