Handa ang Employees’ Compensation Commission (ECC) sa posibleng epekto ng matinding init sa mga manggagawa, gayundin sa pagbibigay ng tulong sa mga empleyadong magkasakit o maaksidente habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Ayon kay Dexter Dupagan, Regional Advocacy Manager ng ECC, kabilang sa mga benepisyong maaaring matanggap ng mga kwalipikadong manggagawa ang sickness and disability benefits, carer’s allowance, medical reimbursement, at burial at death benefits.
Mayroong 33 sakit na maaaring iklasipika bilang work-related, kabilang ang COVID-19, hernia at pneumonia. Gayunman, kailangang mapatunayan na may kaugnayan ang sakit sa trabaho at may mga salik sa kapaligiran o kondisyon sa pinagtatrabahuhan na maaaring nagdulot o nagpalala nito.
Para naman sa mga aksidente, maaaring makakuha ng kompensasyon kung nangyari ito sa lugar ng trabaho, habang ginagampanan ang tungkulin, sa mga aktibidad na may kaugnayan sa kumpanya, habang bumibiyahe papasok o pauwi mula sa trabaho, o habang isinasagawa ang ipinag-uutos ng employer, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon ng ECC.
Nilinaw ni Dupagan na maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong manggagawa sa pribadong sektor ng 480 pesos kada araw, bukod sa sickness benefits ng Social Security System o SSS. Sa sektor naman ng pamahalaan, 200 pesos kada araw ang kompensasyon, ngunit hindi ito maaaring isabay sa benepisyo ng Government Service Insurance System o GSIS. Hindi rin saklaw ng programa ang uniformed personnel.
Saklaw na rin ng programa ang mga self-employed na miyembro ng SSS. Maaari ring humiling ng reimbursement ang mga manggagawang gumamit ng sariling pera para sa gastusing medikal na may kaugnayan sa kanilang karamdaman o aksidente, alinsunod sa mga patakaran ng ahensiya.
Kabilang sa mga kailangang dokumento sa pag-aaplay ang certificate of employment na nagsasaad ng trabaho ng empleyado, incident report o police blotter kung naaangkop, medical certificate, at EC logbook.
Binigyang-diin din ng ECC ang pananagutan ng mga employer sa pagpapanatili ng EC logbook. Maaaring patawan ng multa at pagkakakulong nang hindi bababa sa anim na buwan ang mga lalabag, alinsunod sa umiiral na batas.
Bukod sa kompensasyon, nag-aalok din ang ECC ng skills training, entrepreneurship training at cash assistance para matulungan ang mga manggagawang kwalipikado sa mga programa nito.










