Umaasa ang pamunuan ng Pangasinan National High School (PNHS) na mababawasan ang madalas na pagbaha sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng isinasagawang paglilinis ng mga daluyan ng tubig ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Mariela Calima, EdD, punong-guro ng PNHS, mahigit isang buwan na ang nakalipas nang makaranas ng matinding pagbaha ang paaralan, na naging dahilan ng sunod-sunod na pagkansela ng klase.
Dahil dito, humingi ng tulong ang pamunuan sa DPWH Central Office, na nag-ugnay sa mga inhinyero ng DPWH District Engineering Office II sa Pangasinan upang matugunan ang problema.
Nasa ikatlong linggo na ng paglilinis ng mga tauhan ng DPWH ang lugar. Kabilang sa mga gawain ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig hanggang Narciso Ramos upang matiyak ang maayos na pag-agos ng tubig mula sa paaralan patungo sa naturang lugar.
Naranasan pa rin ng PNHS ang pagbaha matapos ang malakas na pag-ulan noong nakaraang linggo dahil hindi pa tapos ang paglilinis. Gayunman, humupa ang tubig kinabukasan.
Paliwanag ni Calima, naaapektuhan ng baha ang mga pangunahing daanan ng paaralan, na umaabot hanggang tuhod at baywang. Dahil nagiging mapanganib ang pagdaan ng mga mag-aaral sa mga lugar na ito, napipilitan ang paaralan na gumamit ng modular learning kapag hindi ligtas ang pagpasok.
Tumulong din ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga kagamitang ginagamit sa operasyon. Ayon sa punong-guro, patuloy na tumutugon ang lokal na pamahalaan sa mga pangangailangan ng paaralan.
Tinatayang maaaring matapos ang mga gawain sa loob ng isang buwan, bagama’t nakadepende pa rin ito sa bilis ng operasyon at sa bilang ng mga manggagawang maitalaga.
Nagpasalamat si Calima sa DPWH, kabilang ang mga opisyal nito sa Pangasinan sa pamumuno ni Engineer Lumibaw sa district office, gayundin sa gobernador ng lalawigan para sa suportang ipinagkaloob sa paaralan.
Umaasa ang PNHS na sa pagkumpleto ng paglilinis at pagsasaayos ng drainage system ay tuluyan nang maibsan ang pagbaha, mabawasan ang pagkaantala ng klase, at higit na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani tuwing malakas ang ulan.









