Buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac sa panukalang pagtatayo ng Pax Silica Hub sa bayan ng Capas dahil sa napakalaking tulong pangkabuhayan at mga oportunidad na maidudulot nito sa lalawigan at sa buong bansa.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Arvin Cabalu, ang Provincial Information Officer ng Tarlac, na pabor si Gobernador Christian Yap sa proyekto dahil magiging kapareho ito ng isang “Silicon Valley” na magdadala ng malawakang paglikha ng mga trabaho at tinatayang ₱180 bilyong o 40-70 bilyong dolyar na pamumuhunan na mai-inject sa ekonomiya ng Tarlac at ng Pilipinas.
Ang balak na itayong Pax Silica Hub sa bahagi ng bayan ng Capas ay may kabuuang sukat na humigit-kumulang 1,620 hektarya—isang napakalawak na sakop na tinatayang 400 beses ang laki kumpara sa Philippine Arena.
Bagamat sa taong 2028 pa nakatakdang opisyal na simulan ang proyekto, sa kasalukuyan ay may mga itinatayo nang kalsada sa lugar bilang paghahanda sa mga susunod na yugto ng pag-unlad.
Inihayag ng Provincial Information Office na ipinagkakatiwala ng pamahalaang panlalawigan sa mga eksperto at sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa pamumuno ni Chairman Joshua Bingcang ang teknikal na pagpapaliwanag ukol sa proyekto.
Binigyang-diin ni Cabalu na mahalagang maipaliwanag nang maayos ang proyekto dahil sa paglabas ng iba’t ibang haka-haka at maling impormasyon na wala namang siyentipikong batayan.
Binanggit din niya na maging ang ilang mambabatas mula sa ibang lalawigan, tulad ng sa Palawan, ay nag-aalok na sa kanila na lamang itayo ang nasabing hub.
Gayunman, nananatiling interesado ang Tarlac na maging host ng proyekto, sa kondisyong maipapaliwanag nang malinaw at maayos sa mga mamamayan kung gaano ito kaligtas.
Tungkol naman sa mga pangamba ng mga katutubo (Indigenous Peoples) at ng lokal na pamahalaan ng Capas sa pangunguna ng kanilang alkalde ukol sa epekto ng proyekto sa kanilang ancestral lands, nilinaw ni Cabalu na hindi aagawin ang kanilang lupain at patuloy ang paghahanap ng angkop na solusyon sa bawat usapin.
Binigyang-diin nito na nasa yugto pa lamang ng malawakang pampublikong konsultasyon ang pamahalaan upang masigurong nauunawaan ng mga mamamayan at ng mga komunidad ng katutubo ang buong katotohanan ukol sa Pax Silica.









