Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Calasiao ang posibleng pagpapatupad ng “No Swimming Policy” sa mga ilog at iba pang katubigan sa bayan kasunod ng malagim na pagkalunod ng isang binatilyo kamakailan.

Ayon kay Mayor Patrick Agustin Caramat, nagpaabot siya ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at iginiit na ang insidente ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng kaligtasan, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Sinabi ng alkalde na bilang tugon, isinusulong ng lokal na pamahalaan ang pagbuo ng isang ordinansa na maglalayong higpitan o limitahan ang paglangoy sa mga ilog at iba pang lugar na itinuturing na mapanganib dahil sa malakas na agos ng tubig.

--Ads--

Ayon pa sa kanya, madalas na paliguan ng mga kabataan ang mga naturang ilog, ngunit kadalasan ay hindi namamalayan ang biglaang pagtaas ng tubig at lakas ng agos dulot ng pag-ulan at pagbabago ng panahon.

Binigyang-diin din ng alkalde na nakalulungkot na may nasawi pa bago magsimula ang pasukan, kaya mas paiigtingin pa ng LGU ang kampanya para sa kaligtasan ng mga residente.

Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan sa publiko na maging maingat sa paglangoy at pagligo sa mga ilog, lalo na sa panahon ng tag-ulan at high tide, kung saan maaaring maging mas delikado ang mga agos ng tubig.

Giit pa ng LGU, kahit marunong lumangoy ang isang tao ay hindi dapat ipagsawalang-bahala ang panganib ng malalim at mabilis na daloy ng tubig sa mga natural na katubigan.