Dagupan City – Umaabot sa humigit-kumulang anim na milyong pisong halaga ng tax liability ang mga hinihinalang smuggled at walang kaukulang dokumentong sigarilyo na nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang magkasunod na search warrant implementation sa bayan ng Bugallon.

Naganap ang operasyon sa Barangay Salasa, kung saan target ng mga search warrant ang dalawang mag-asawa na hinihinalang sangkot sa pag-iimbak at pagbebenta ng mga ilegal na sigarilyo.

Sa isinagawang pagsalakay, natagpuan at nakumpiska ng mga operatiba ang mahigit pitong libong pakete ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na walang maipakitang kaukulang dokumento. Ayon sa mga awtoridad, ang mga nakumpiskang produkto ay may tinatayang tax liability na umaabot sa humigit-kumulang anim na milyong piso.

--Ads--

Hindi naman naabutan sa kanilang tahanan ang mga target ng search warrant sa oras ng operasyon. Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang kanilang kinaroroonan upang maiharap sa kaukulang proseso ng batas.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang sigarilyo bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon at dokumentasyon kaugnay ng kaso.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na iwasan ang pagbili at pagbebenta ng mga produktong walang kaukulang dokumento at hindi dumaan sa tamang proseso ng pagbubuwis upang maiwasan ang paglabag sa batas at maprotektahan ang kita ng pamahalaan.