Pumalo na sa 465 ang kabuuang bilang ng mga naitalang insidente ng sunog sa lalawigan ng Pangasinan mula Enero hanggang November ngayong taong 2026.
Nagpapakita ito ng 34.7% hanggang 34.8% na pagtaas kumpara sa 345 na kaso sa kaparehong mga buwan noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fire Chief Inspector Jun Eland Wanawan, Officer-in-Charge Provincial Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan, umabot na sa tinatayang ₱260 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian at mayroon na ring mga naitalang nasawi.
Kabilang dito ang insidenteng naganap kamakailan sa bayan ng Malasiqui na ikinasawi ng 5 indibidwal dahil sa pagsabog ng illegal na pagawaan ng paputok.
Batay sa datos ng BFP Pangasinan, 301 sa kabuuang bilang ay structural o residential fires, mahigit 100 ang non-structural fires gaya ng grass at post fires, habang 35 naman ang vehicular fires.
Pinakamaraming naitalang sunog sa tatlong pinakamalalaking lungsod sa probinsya gaya ng Dagupan, Urdaneta, at San Carlos.
Paliwanag ng opisyal na kaya mataas ang bilang ng sunog na naitatala sa nasabing mga lungsod ay dahil sa malaking populasyon at patuloy na pagdami ng mga itinatayong gusali.
Saad nito, nanatili namang pangunahing sanhi ng sunog sa lalawigan ang electrical issues, na sinundan ng pagsusunog ng mga basura at tuyong dahon, at pangatlo ang mga napapabayaang niluluto.
Ayon pa sa kanya, malaking salik sa pagdami ng sunog ang nararanasang init ng panahon dulot ng El Niño.
Sa mga kabahayan kasi, tumataas ang paggamit ng electric fan at aircon na nagreresulta minsan sa overloading o paglampas sa kapasidad ng electrical system ng bahay.
Sa kapaligiran naman, ang matinding pagkatuyo ng mga damo sa mga bakanteng lote ay madaling pagmulan ng grass fire kahit sa maliit na spark o pinitik na upos ng sigarilyo.
Samantala, upang makaiwas sa anumang insidente ng sunog at mabawasan ang pagdami nito patuloy na nagpapaalala ang BFP Pangasinan sa publiko na iwasan ang electrical overloading, huwag magsunog ng basura o tuyong dahon, huwag iiwanang nakasindi nang walang bantay ang niluluto, at tiyaking patay na ang sindi ng upos ng sigarilyo bago ito itapon sa tamang lalagyan.










