Kinuwestyon ni Liga ng mga Barangay President Lino Fernandez ang nakatakdang halos 21 porsiyentong pagtaas sa singil ng PAMANA Water Dagupan dahil sa posibleng dagdag na pasanin nito sa mga mamamayan, partikular sa mga pamilyang kapos sa kita.
Ayon kay Fernandez, na kumakatawan sa 31 barangay sa lungsod, hindi napapanahon ang panukalang dagdag-singil sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kuryente, pamasahe at iba pang pangangailangan.
Aniya, hindi lamang sa buwanang bayarin sa tubig mararamdaman ang epekto nito dahil maaari ring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo na dagdag-pasanin sa mga mamimili.
Binanggit din ni Fernandez ang epekto ng El Niño at ang pangangailangang tiyakin ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng malinis na tubig bago magpatupad ng mas mataas na singil.
Giit niya, dapat munang mapatunayan ng water provider na mayroon itong sapat na pinagkukunan ng tubig, maayos na distribusyon at epektibong contingency measures upang matugunan ang posibleng kakulangan sa suplay.
Batay sa mga dokumento, ang pagtaas ay bahagi ng dating inaprubahang tariff adjustments ng Local Water Utilities Administration (LWUA) at pinagtibay ng Dagupan City Water District (DCWD) Board of Directors.
Patuloy naman ang deliberasyon habang kinukuwestiyon ng mga konsehal ang panibagong dagdag-pasanin sa mga konsumer ng tubig sa Dagupan.
Home Local News Halos 21% taas-singil ng PAMANA Water, kinuwestyon; Epekto sa mga Dagupeño, iginiit...










