Nagsagawa ng clean-up drive ang mga city scholar sa Barangay Salisay sa Dagupan City bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Christ the King. Isinagawa ang aktibidad katuwang ang Youth Development Office, Teen Center, at ang konseho ng barangay. Layunin ng clean-up drive na ihanda ang komunidad para sa nalalapit na pagdiriwang at tiyakin ang kalinisan ng paligid.
‎
‎Isinagawa rin ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Children’s Month sa lungsod. Sa pamamagitan ng community service, isinabuhay ng mga scholar ang tema ng lungsod para sa taong ito na nakatuon sa paglikha ng mas malinis, mas ligtas, at mas malusog na komunidad para sa mga bata. Binigyang-diin na mahalaga ang maayos na kapaligiran upang makapaglaro, makapag-aral, at lumaki nang maayos ang mga kabataan.
‎
‎Nakatuon ang tema ng lungsod sa pagtataguyod ng mga batang ligtas, malusog, marunong, at tapat na may magandang kinabukasan. Ayon sa mga organizer, hindi lamang paglilinis ang layunin ng aktibidad kundi ang paghubog din sa mga kabataan ng malasakit sa komunidad at responsibilidad sa kapaligiran.
‎
‎Patuloy na magsasagawa ng mga katulad na aktibidad ang mga scholar at mga katuwang na ahensya sa iba pang barangay sa lungsod. Inaasahan na sa pamamagitan ng mga community service na ito, mas mapapalakas ang partisipasyon ng kabataan sa mga programang makatutulong sa kanilang komunidad.