Bilyon-bilyong piso ang ginastos ng Pilipinas para sa ASEAN Summit, pero para kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, hindi ordinaryong Pilipino ang pangunahing makikinabang dito kundi ang mga dayuhang kapitalista at ang Amerika.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, iginiit ni Africa na matagal nang pangako ng ASEAN ang kaunlaran mula pa noong 1967, pero hanggang ngayon ay nananatiling mahirap ang mayorya ng mga mamamayan sa rehiyon. Kung totoong epektibo aniya ang ASEAN para sa pag-unlad ng Pilipinas, bakit tuloy-tuloy pa rin ang kahirapan, bakit bagsak pa rin ang agrikultura at industriya, at bakit ang Pilipinas ang may pinakamalalang inflation at unemployment sa ASEAN.

Kinuwestiyon din ni Africa ang nasa 23 bilyong pisong gastos ng Pilipinas para sa summit. Ayon sa kanya, may dalawang posibleng dahilan ang magarbong paggastos. Una ay para pagtakpan ang pagiging kulelat ng Pilipinas sa ASEAN sa gitna ng pandaigdigang krisis. Pangalawa ay para magpasikat kay US President Donald Trump na kilala umano sa hilig sa magarbong aktibidad at parada. Binanggit pa ni Africa na maging ang schedule ng buong summit ay in-adjust para lang ma-accommodate ang pagdating ni Trump, kahit naimbitahan na ang mga lider mula China, India, Australia, UN at ang 11 lider ng ASEAN.

--Ads--

Pinuna rin ng IBON ang pagtatakip sa mga lugar na dadaanan ng mga delegado, pagsuspinde ng klase at trabaho, at ang pag-aresto sa halos 300 raliyista noong Nobyembre 15, kabilang ang mga menor de edad. Ayon kay Africa, bumabiyahe pa lang patungong Liwasang Bonifacio ang mga raliyista nang hulihin, kahit wala pa silang ginagawang karahasan. Imbes aniya na ipakita ang katotohanan ay itinago ito, at imbes na gobyerno para sa mamamayan ay naging gobyerno ng pambobola. Dagdag niya, malaking kontradiksyon ito dahil demokrasya at karapatan ng mamamayan ang pinag-uusapan sa ASEAN, pero kasabay nito ay inaaresto ang mga nagpoprotesta.

Paliwanag ni Africa, ang direksyon ng ASEAN mula pa sa ASEAN Free Trade Area noong 1992 ay buksan ang ekonomiya sa labas ng rehiyon. Ang resulta ay mas malaki pa ang investments ng US sa ASEAN kaysa sa pinagsama-samang investments ng mga bansang ASEAN mismo. Pumapangalawa ang China, kasunod ang UK at Japan. Sa labor naman, sinabi niyang nagkukunwaring nagtataguyod ng labor rights ang ASEAN, pero sa totoo ay nagkukumpitensya ang mga bansa sa pag-aalok ng murang sahod para akitin ang foreign investors.

Binalaan din ni Africa na walang duda na mas magbe-benefit ang Amerika sa summit. Kahit sinasabing walang kasunduan sa tariff, naniniwala siyang pag-uusapan pa rin ito dahil sa America First policy at sa labanan ng US at China sa semiconductor at AI supply chain. Limang dekada na aniyang may American semiconductor firms sa Pilipinas, bilyon-bilyon na ang investments at exports nila, pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin tayong sariling semiconductor industry.

Sa huli, nagbabala ang IBON sa posibleng paglala ng kagutuman at kahirapan sa 2026 at 2027 kung tatama ang super El Niño. Babagsak umano ang produksyon ng pagkain, tataas ang presyo, at mahihirapan ang Pilipinas na mag-angkat dahil mamomroblema rin ang ibang bansa habang bagsak ang piso. Iginiit ni Africa na imbes na damage control at pag-asa sa importasyon, kailangan ng pangmatagalang suporta sa magsasaka at mangingisda, at sapat na budget sa agrikultura. Pero sa 2027 budget, binawasan pa umano ang pondo para dito, kaya hinimok niya ang publiko na maging mapanuri sa totoong hakbang ng gobyerno.