Isinusulong ngayon sa buong bansa ang pagtatayo ng mga kooperatiba para sa mga magsasaka, kasabay ng pagbibigay ng iba pang kabuhayan tulad ng pag-aalaga ng hayop at pagtatanim ng gulay, upang mapanatili sa komunidad ang value added ng agrikultura at mapalakas ang economic multiplier effect nito. Ayon kay NIA administrator Engr. Eduardo Guillen, ito ang parehong programang ipinatupad niya noong siya ay alkalde pa, kung saan na-isaayos ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng kooperatiba.
‎
‎Ipinaliwanag niya na karamihan sa mga magsasaka ay underemployed, dahil pagkatapos magtanim ay wala na silang masyadong gagawin bago mag-ani, kaya pinakamainam na bigyan sila ng karagdagang kabuhayan tulad ng pag-aalaga ng baboy, manok, at baka, gayundin ang pag-upgrade ng mga alagang hayop. Bukod sa pagkakaroon ng dagdag na gawain, makatutulong din ito para may mapagkukunan sila ng pagkain at dagdag na kita.
‎
‎Dagdag pa niya, mahalaga rin ang pagtatanim ng gulay ng mga magsasaka, dahil bukod sa sustansya para sa pamilya ay makatitipid na sila at makapagbebenta pa ng sobrang ani, kaya dapat maging ganoon ang mindset sa pagtulong sa mga magsasaka. Giit niya na hindi sapat ang salita lamang, kundi kailangang solid at makita sa gawa ang tulong na ibinibigay sa kanila.
‎
‎Binigyang-diin din niya ang malaking papel ng isang alkalde sa pag-unlad ng isang bayan, dahil kung gagastusin at ibibigay ng tama ang pondo para sa mga programa at sa production ay babalik ito sa susunod na taon sa mas malaking halaga sa pamamagitan ng economic multiplier effect.