Nakahanda na ang Schools Division Office o SDO Pangasinan II para sa paglahok ng kanilang 155 delegates sa Palarong Pambansa 2026 na gaganapin sa Agusan del Sur.

Ayon kay Enrique R. Macayan, Education Program Supervisor I ng SDO Pangasinan II, binubuo ang delegasyon ng 127 atleta at 28 coaches at assistant coaches.

Gayunman, inamin ni Macayan na nakaranas sila ng ilang problema sa preparasyon, partikular sa transportasyon patungong Agusan del Sur.

--Ads--

Aniya, nahirapan silang makapag-book ng ferry tickets dahil limitado lamang umano ang biyahe ng ferry sa lugar kaya napilitan silang gumamit ng air travel para sa mga atleta at coaches.

Kabilang sa mga sports na sasalihan ng Pangasinan II delegation ang basketball, badminton, futsal, football, weightlifting, billiards, long tennis, table tennis, taekwondo, chess, wrestling, at sepak takraw.

Kakatawan din ang iba’t ibang paaralan mula sa lalawigan kabilang ang Bautista Central School, Nantangalan sa Pozorrubio, Umingan National High School, Ambalangan-Dalin ng San Fabian, at Guiling-Coliling National High School sa Rosales.

Sinabi ni Macayan na magsasagawa ng training at preparasyon ang mga atleta mula Mayo 4 hanggang Mayo 16 bago ang kompetisyon.

Ayon pa sa opisyal, mas marami ang kanilang entries ngayong taon kumpara noong nakaraang Palarong Pambansa matapos makapasok ang 26 team events ng lalawigan.

Naniniwala rin siyang malaki ang tsansa ng Pangasinan II sa futsal at football dahil sa suporta ng lokal na pamahalaan at sa maayos na pagsasanay ng kanilang mga coaches.

Kaugnay nito, nagpapasalamat si Macayan sa mga local government units, partikular sa bayan ng Bautista, dahil sa suporta sa in-house training ng basketball at badminton teams.

Pinasalamatan din nito si Governor Ramon V. Guico III sa tulong para sa airfare ng mga atleta at coaches, gayundin si Vivian Luz S. Pagatpatan sa patuloy na suporta sa delegasyon.

Unti-unti namang bibiyahe ang mga delegado simula Mayo 16 habang nakatakda rin ang iba pang flights sa Mayo 18, 21 at 22.

Samantala, sinabi ni Macayan na patuloy pa nilang pinaplantsa ang iba pang preparasyon kaugnay sa inaasahang klima at kondisyon sa Agusan del Sur.

Nanawagan naman siya sa mga magulang, guro at komunidad na ipagpatuloy ang suporta sa mga atletang kakatawan sa Pangasinan II sa pambansang kompetisyon.