Umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Dagupan City nitong alas-dos ng hapon, kasabay ng patuloy na pag-init ng panahon.
Ayon kay Gener Quitlong., Weather Specialist, PAGASA Dagupan, umabot sa 33.8 degrees Celsius ang maximum temperature na naitala, habang nasa 61 percent naman ang relative humidity. Sa pagsasama ng dalawang ito, umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index o ang tinatayang init na aktuwal na nararamdaman ng katawan.
Iniuugnay naman sa paghina ng northeasterly windflow o paunang amihan ang mas mainit na kondisyon ng panahon.
Patuloy din ang monitoring sa lagay ng panahon, lalo na sa paparating na bagyong Champi na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility.
Sa mataas na heat index na nararanasan sa lungsod, mahalagang maging maingat ang publiko at iwasan ang matagal na pagkakalantad sa matinding init.
Pinapayuhan ang mga residente na uminom ng sapat na tubig, gumamit ng payong o iba pang panangga sa araw, magsuot ng magaan at komportableng damit, at hangga’t maaari ay iwasang lumabas kung hindi naman kinakailangan.
Patuloy din ang monitoring sa lagay ng panahon, kabilang ang kilos ng bagyong Champi at ang posibleng pagbabago sa kondisyon ng panahon sa mga susunod na araw.










