Kinondena ni Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), ang umano’y hindi diplomatikong pananalita at asal ni Chinese Ambassador Jing Quan sa Pilipinas, ngunit iginiit na kailangang maingat na timbangin ng pamahalaan ang mga posibleng epekto bago isaalang-alang ang deklarasyon sa kanya bilang persona non grata sa pambansang antas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Simbulan na ang mga pahayag ng embahador ay maituturing na pananakot at paghamak sa Pilipinas, lalo na kung ipinahihiwatig ng mga ito na walang kakayahan ang bansa na ipagtanggol ang sarili laban sa China.

Para sa kanya, hindi lamang ito usapin ng personal na asal ng embahador kundi bahagi rin ng mas agresibong estilo ng diplomasya ng China na kilala bilang wolf warrior diplomacy isang paraan ng pakikipag-ugnayang diplomatiko na gumagamit ng matapang at palaban na pananalita sa pagtatanggol sa mga interes at pag-aangkin ng Beijing.

Ipinaliwanag ni Simbulan na kailangang pag-ibahin ang deklarasyon ng persona non grata ng mga lokal na pamahalaan at ang hakbang na maaaring magresulta sa pagpapaalis sa isang dayuhang diplomat sa bansa.

Ayon sa kanya, may mga lokal na pamahalaan na dati nang nagdeklara sa mga opisyal ng China bilang persona non grata dahil sa mga kontrobersiyal na pahayag at kilos ng mga ito.

Gayunman, mas malawak ang maaaring maging implikasyon kung gagawin ang hakbang sa pambansang antas laban sa kasalukuyang embahador.

Posible rin umanong gumanti ang China sa pamamagitan ng pagpapalit o pagpapaalis sa kinatawan ng Pilipinas sa Beijing, na maaaring makaapekto sa ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa.

Binigyang-diin ni Simbulan na mahalagang suriin ng pamahalaan ang magiging epekto nito sa kalakalan, ekonomiya at iba pang ugnayang bilateral ng Pilipinas at China bago magpasya.

Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugang dapat manahimik na lamang ang Pilipinas sa harap ng mga pahayag na itinuturing na insulto o banta sa pambansang interes.