Kusang sumuko ang isang pulis na sangkot sa naganap na pamamaril sa Barangay Aliwekwek, Lingayen, Pangasinan matapos ang pinaigting na manhunt operation ng mga awtoridad.
Bandang ala-una ng hapon noong Mayo 1, 2026 nang magtungo ang suspek sa San Carlos City Police Station kung saan isinuko nito ang kanyang service firearm, magazine at mga bala. Kaagad itong inilipat sa Lingayen Police Station at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.
Ang pagsuko ng suspek ay bunga ng magkakaugnay at malawakang operasyon ng Pangasinan Police Provincial Office sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang yunit ng pulisya, kabilang ang mga himpilan sa Lingayen at San Carlos City, pati na ang mga intelligence at special units.
Kaugnay ito ng pamamaril na naganap noong Abril 30 sa Barangay Aliwekwek kung saan sugatan ang isang lalaki na patuloy na ginagamot sa ospital.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang iba’t ibang hakbang tulad ng hot pursuit, paglalagay ng blocking forces sa mga kalapit na lugar at paggamit ng intelligence monitoring upang matunton ang suspek. Nakatulong din ang pakikipag-ugnayan sa pamilya nito upang mahikayat itong sumuko nang mapayapa.
Inihahanda na ang kasong frustrated murder laban sa suspek habang patuloy pang inaalam ang motibo ng krimen.
Tiniyak naman ng Pangasinan PPO na walang sinuman ang pinangingibabawan ng batas at pananagutan, kabilang na ang mga miyembro ng kapulisan.
Ipinahayag din ng pulisya na magpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matiyak ang patas at wastong pag-usad ng kaso, kasabay ng kanilang layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Pangasinan.










