Handang-Handa na ang San Nicolas Municipal Police Station para sa pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo sa kanilang nasasakupan ngayong Undas 2026.

Ayon kay Police Major George Banayos Jr., Acting Chief of Police (ACOP) ng nasabing istasyon na nakikipagtulungan ang kapulisan sa Local Government Unit (LGU), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at mga force multipliers upang matiyak ang kapayapaan at seguridad ng mga mamamayan.

Simula ngayong Oktubre 30, magsisimula na ang opisyal na deployment ng mga tauhan ng pulisya sa apat na sementeryo sa bayan, partikular sa Barangay Casaratan kung saan inaasahan ang pinakamaraming dumaragsang mamamayan at mga balikbayan.

--Ads--

Binigyang-diin din ng hepe ang pagpapairal ng “Zero Incident Goal” matapos maitala ang zero-crime record sa bayan noong Undas 2024 at 2025.

Maglalagay aniya sila ng mga Police Assistance Desk at magpapatupad ng mahigpit na inspeksyon sa mga pintuan at labasan ng sementeryo para sa seguridad ng mga bisita.

Ipinaalala naman ng pulisya na sumunod sa mga alituntunin lalo na sa mga ipinagbabawal na dalhin sa sementeryo gaya ng alak at anumang uri ng inuming nakalalasing, matutulis na bagay at kutsilyo, baril at anumang uri ng armas at higit sa lahat malalakas na sound system o speaker.

Saad nito na magsasagawa ng 24-oras na pagbabantay ang kapulisan at mga force multipliers hanggang Nobyembre 2 o 3 hanggang mabawasan ang dami ng mga indibidwal sa loob ng sementeryo.

Bukod sa seguridad, naging prayoridad din ng LGU ang kalinisan ng mga sementeryo dahil aniya mismong mga empleyado ng munisipyo ang nagtulong-tulong sa paglilinis ng mga nitso at paligid bago ang pagsisimula ng undas para hindi na maglinis ang mga bibisitang kamag-anak.

Naglagay din ang LGU ng mga tolda at masisilungan sa mga assistance desk para sa kaginhawaan ng mga bibisita dahil sa inaasahang mainit na panahon maging ang paglalagay ng medical aid assistance desk sakaling magkaroon ng kaso ng mga hindi inaasahang tulong medikal lalo na ang mga bulnerableng grupo na magtutungo sa lugar.