Nais magdagdag ng tauhan ang Public Order and Safety Office (POSO) sa Urdaneta City batay sa direktiba ng alkalde upang mapunan ang malaking bawas sa kanilang hanay at masiguro ang maayos na daloy ng trapiko at seguridad sa mga lansangan.

Ito ang inihayag ni POSO Head Francisco Serafica sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya, kung saan ibinunyag niya na halos mahigit kalahati ang nawala sa kanilang hanay sa ngayon.

Ayon kay Serafica, mula sa 120 tauhan noong siya ay unang maupo sa puwesto, sumadsad na lamang sa 40 ang kanilang kabuuang bilang sa kasalukuyan.

--Ads--

Nakikita aniya nitong isa sa dahilan ng pagkawala ng ilang tauhan ay ang kakulangan sa badyet ng lokal na pamahalaan.

Dahil sa sitwasyong ito, direktang nanawagan si Serafica sa publiko at sa mga naghahanap ng trabaho na mag-apply na sa kanilang tanggapan upang masimulan na ang pagpapalakas ng kanilang pwersa lalo’t kailangan ng mga tauhan sa Urdaneta para sa maayos na trapiko at pagpapatupad ng batas sa kalsada.

Bagamat bukas ang panawagan sa mga nais maging bahagi ng POSO, nilinaw ni Serafica na hindi basta-basta ang pagpapasok sa kanilang hanay.

Binigyang-diin niya na kailangang may sapat o kaunting pinag-aralan ang mga aplikante.

Paliwanag ni Serafica, napakahalagang alam ng mga enforcer ang mga umiiral na batas-trapiko at alituntunin bago magpatupad sa lansangan.

Ito ay upang maiwasan ang mga hindi pagkakaintindihan, mainit na pagtatalo, o kaya ay ang hidwaan at pagka-offend ng mga motorista o mamamayang kanilang huhulihin.

Sapat na aniya ang pagdaragdag ng 10 hanggang 15 bagong tauhan upang maayos at epektibong mapwestuhan at mabantayan ang lahat ng mga estratehikong kanto at kalsada na sakop ng kanilang tanggapan.