Muling nanawagan ang Malacañang kay Senator Ronald Bato dela Rosa na kusang sumuko at huwag maging halimbawa sa ibang mga taong may warrant of arrest na nagtatago sa mga awtoridad.

Kasunod ito ng paglalaan ng Department of the Interior and Local Government ng P50 milyong pabuya para sa ikadarakip ng senador. Binigyan din siya ng Philippine National Police ng isang linggong palugit upang sumuko, habang itinuring naman siyang armado at mapanganib ni Interior Secretary Jonvic Remulla.

Mas mainam umano ang boluntaryong pagsuko upang hindi na kailangang kumilos ang mga pulis. Gayunman, tiniyak ng Palasyo na patuloy na hahanapin ng mga awtoridad si Dela Rosa kung hindi ito susunod sa panawagan. Binigyang-diin din na bilang senador at dating hepe ng PNP, dapat siyang manguna sa pagsunod sa batas.

--Ads--

Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng kampanya kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakadetine sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity.