Tinalakay sa pagpupulong ng Local Health Board sa Dagupan City ang mga hakbang para sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan, paghahanda sa mga emergency, at pagpapalawak ng serbisyong medikal para sa mga residente.
Kabilang sa mga pangunahing usapin ang muling pagpapaliwanag sa mga alituntunin ng PhilHealth Konsulta, partikular sa pamamahagi ng professional fees sa mga accredited health facility.
Tinalakay rin ang monitoring, evaluation, at mentoring para sa Health Emergency Management ngayong 2026, kabilang ang panukalang pagtatalaga ng alternatibong lokasyon para sa Disaster Risk Reduction and Management in Health Operations Center ng City Health Office.
Kasama rin sa mga napag-usapan ang pagpapatibay ng mga contingency measure para sa vaccine cold chain at immunization upang matiyak ang wastong pag-iimbak ng mga bakuna at pagpapatuloy ng pagbabakuna sa oras ng emergency.
Inilahad din ang buod ng isinagawang on-site assessment sa mga pasilidad na nagbibigay ng serbisyong may kaugnayan sa programang Gamot, habang tinalakay ang panukalang paglikha ng Health Promotion Unit sa pamamagitan ng Human Resources for Health.
Layunin ng mga hakbang na ito na mapahusay ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, mapalakas ang kahandaan ng mga pasilidad sa mga emergency, at matugunan ang pangangailangan ng publiko.
Patuloy na inaasahan ang koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan upang matiyak ang maayos, ligtas, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa mga Dagupeño.










