Itinuturo ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, ang kahinaan ng lokal na ekonomiya, partikular sa sektor ng agrikultura at industriya, bilang pangunahing dahilan ng patuloy na paghina ng piso kontra sa dolyar.
Ito ay kasunod ng paglagapak ng piso sa record low na ₱64.17 kada dolyar.
Ayon kay Africa, bagama’t nakaaapekto sa halaga ng piso ang mga panandaliang salik gaya ng paglakas ng dolyar, pagtaas ng presyo ng petrolyo, at pag-aalinlangan ng mga investor na mamuhunan, hindi umano sapat ang mga ito upang ipaliwanag ang limang dekada nang paghina ng lokal na pera.
Paliwanag niya, malaki ang pagdepende ng bansa sa mga inaangkat na produkto na binabayaran gamit ang dolyar, habang humihina naman ang kakayahan ng lokal na agrikultura at industriya na matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.
Dahil dito, napipilitang umangkat ang bansa upang punan ang kakulangan sa lokal na produksiyon, na lalo umanong nagpapataas sa pangangailangan sa dolyar at nagpapahina sa piso.
Iminungkahi ni Africa na palakasin ang mga sektor ng agrikultura at industriya upang mapataas ang lokal na produksiyon at mabawasan ang pagdepende sa mga imported na produkto.
Inihalimbawa niya ang Vietnam, na kabilang sa mga bansang kumikita ng dolyar sa pamamagitan ng pagluluwas ng mga produktong agrikultural, kabilang ang bigas.
Aniya, pangunahing lakas-paggawa lamang ang iniluluwas ng Pilipinas upang kumita ng dolyar, sa halip na palakasin ang produksiyon at pagluluwas ng mga produktong sariling atin.
Binanggit din ni Africa ang maliit na bahagi ng 2027 national budget na nakalaan sa agrikultura. Sa kabuuang ₱7.2 trilyong panukalang budget, 4.5 porsiyento lamang umano ang inilaan sa sektor.
Babala niya, direktang mararamdaman ng mga mamimili ang paghina ng piso sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng mga imported na pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan. Maaari ring tumaas ang presyo ng mga lokal na produktong agrikultural dahil sa epekto ng El Niño.
Dagdag pa niya, nakapagpapalala sa kagutuman ang mataas na presyo ng mga bilihin kasabay ng mababang kita ng mga manggagawa.
Kinuwestiyon din ni Africa ang pagtataas ng policy rate ng 50 basis points o kalahating percentage point sa 5.5 porsiyento bilang tugon sa inflationary pressures, na aniya ay panandaliang mekanismo lamang sa halip na pangmatagalang solusyon sa mga suliraning pang-ekonomiya.
Giit niya, kailangang seryosohin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga hakbang na magpapalakas sa lokal na produksiyon sa halip na magtuon lamang sa mga panandaliang problema.
Bagama’t mangangailangan ng mahabang panahon ang pagtugon sa mga kakulangan sa produksiyon, ipinagtataka ni Africa kung bakit hindi umano ito naging prayoridad ng mga nakaraang administrasyon.
Babala niya, kung hindi sisimulan ang mga pangmatagalang reporma ngayon, posibleng magpatuloy ang paghina ng piso sa mga susunod na taon.










