Nagpaalala si Dr. Glenn Soriano, US Doctor and Natural Medicine Advocate, na mas tumataas ang panganib ng food poisoning ngayong papalapit ang holiday season dahil sa dami ng handaan at pagkaing inihahanda at inihahain nang matagal sa labas.

Ayon kay Soriano, ang food poisoning ay resulta ng pagkain na kontaminado ng toxin o lason, o kaya ay napapanis dahil sa matinding init at lamig. Kapag naiwan ang pagkain sa labas at hindi agad na-refrigerate, aniya, dumadami ang bacteria na nagdudulot ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.

Binigyang diin niya na kabilang sa mga madaling mapanis ang mga gulay, pagkaing may gata, karne, seafood, gatas at mayonnaise. Lalo aniyang delikado ang seafood tulad ng hipon kapag hindi agad niluto o nailagay sa freezer, dahil kahit lutuin pa ito ay maaari pa ring makasama kung dumami na ang bacteria. Maaari rin aniyang makontamina ang pagkain sa pamamagitan ng maruming tubig at hindi maingat na paghawak ng pagkain.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing sintomas ng food poisoning ang pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae, pagkahilo, malamig na pagpapawis at lagnat kapag lumagpas na sa 24 oras. Aniya, kadalasan ay mild hanggang moderate lamang ito at gumagaling sa loob ng 24 hanggang 48 oras, ngunit mas mahirap mag-recover ang mga may high blood, diabetes, asthma at iba pang dating sakit.

Payo ni Soriano, ang pinakamahalagang gawin ay panatilihin ang hydration. Kung ano aniya ang nawala sa katawan dahil sa pagsusuka at pagtatae ay dapat palitan ng tubig at mineral water na may electrolytes. Hindi aniya nakatutulong ang softdrinks dahil ang asukal nito ay nakaka-dehydrate pa.

Kapag may senyales na ng moderate hanggang severe dehydration tulad ng panghihina, pagkahilo, hindi makapag-isip nang maayos, at paulit-ulit na pagsusuka at pagtatae kada oras, kailangan na aniyang dalhin agad sa ospital para malagyan ng IV fluids at ma-rehydrate.

Nilinaw din niya na hindi nagdudulot ng food poisoning ang paulit-ulit na pag-init ng pagkain, dahil namamatay ang bacteria sa pagluluto. Ngunit aniya, nawawala ang lasa at nutrisyon ng pagkain kapag paulit-ulit itong iniinit, lalo na ang gulay.

Para maiwasan ang food poisoning, pinayuhan ni Soriano ang publiko na maghugas ng kamay bago maghanda ng pagkain, hugasan nang mabuti ang gulay at prutas, panatilihing malinis ang mga gamit sa kusina, lutuin agad ang biniling pagkain, at ilagay agad sa refrigerator ang hindi pa makakain. Aniya, mas ligtas kung lulutuin muna ang seafood bago ito ilagay sa freezer.