Nagbabala ang Department of Health–Center for Health Development Region 1 (DOH-CHD 1) laban sa mabilis na pagkasira ng pagkain sa panahon ng matinding init na maaaring magdulot ng food poisoning o pagkalason sa pagkain.

Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer ng DOH-CHD Region 1, hindi sapat ang amoy at itsura ng pagkain upang matiyak na ligtas pa itong kainin dahil may mga mapaminsalang bacteria na hindi nakikita o naaamoy.

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa paghahanda at pag-iimbak ng pagkain. Mahalaga ring ilagay sa refrigerator ang mga pagkaing madaling masira at iwasang iwan ang mga ito sa basa o mainit na lugar upang maiwasan ang pagdami ng bacteria.

--Ads--

Partikular ding pinaalalahanan ang mga bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas na tiyaking malinis ang mga lalagyan at kagamitan sa pagluluto at pagdadala ng pagkain upang maiwasan ang kontaminasyon.

Binigyang-diin na mahalaga ang wastong paghawak at pag-iimbak ng pagkain upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at maiwasan ang mga sakit na dulot ng kontaminadong pagkain.