Dagupan City – Kinumpirma ni Vice Mayor Jay Mark Kevin Crisostomo ng Lingayen, Pangasinan, na isang empleyado ng pamahalaang bayan ang nagpositibo sa ikalawang drug test matapos ang isinagawang random mandatory drug testing sa hanay ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa bise alkalde, ang naturang hakbang ay bahagi ng taunang programa ng lokal na pamahalaan alinsunod sa isang umiiral na ordinansa na naglalayong tiyakin ang maayos na kalusugan at propesyonalismo ng mga empleyado.

Layunin din nito na masiguro na ang mga kawani ng gobyerno ay nakapaglilingkod nang maayos at hindi gumagamit ng ilegal na droga.

--Ads--

Isinagawa ang drug testing sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police at ng municipal health office ng Lingayen.

Sa unang pagsusuri, siyam na empleyado ang napaulat na nagpositibo.

Gayunman, matapos ang isinagawang ikalawang pagsusuri upang kumpirmahin ang resulta, isa na lamang ang napatunayang positibo.

Sa halip na agarang patawan ng kaso, iminungkahi ng pamahalaang lokal ang rehabilitasyon para sa nasabing empleyado.

Binigyang-diin ni Crisostomo ang kahalagahan ng pagbibigay ng ikalawang pagkakataon at pagtulong sa mga kawani na makabangon, sa halip na agad silang parusahan.

Aniya, mas makabubuting ituon ang hakbang sa pagresolba ng problema sa pamamagitan ng suporta at rehabilitasyon kaysa sa pag-uusig.

Dagdag pa niya, ang pagbibigay ng pagkakataong magbago ang isang empleyado ay makatutulong hindi lamang sa indibidwal kundi pati sa kanilang pamilya at sa komunidad.

Ipinunto rin ng bise alkalde na sa panig ng lehislatura, paiigtingin pa ang implementasyon ng drug testing program, kabilang ang mas maayos na pamamahala at pagpapatibay ng ordinansa. Isinusulong din ang mas malawak na kampanya sa impormasyon hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga.

Binigyang-diin niya na ang hakbang na ito ay patunay ng pagsisikap ng pamahalaang bayan na maging bukas, responsable, at patas sa pagpapatupad ng mga patakaran.

Aniya, ang pagsasagawa ng drug testing sa loob mismo ng pamahalaan ay nagpapakita ng malasakit at integridad upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

Samantala, tiniyak din ng opisyal na patuloy na makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency at Department of the Interior and Local Government upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Nanawagan din ang bise alkalde sa publiko na iwasan ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot at suportahan ang mga programa ng pamahalaan.

Iginiit niya na bagama’t walang perpektong gobyerno, nananatiling bukas ang kanilang tanggapan sa pananagutan, transparency, at patuloy na pagpapabuti ng serbisyo para sa mamamayan ng Lingayen.