Dagupan City – Isinusulong ng pamunuan ng Barangay Poblacion sa Lingayen, Pangasinan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation kasabay ng pagpapalakas ng kampanya sa wastong pamamahala ng basura upang matugunan ang mga suliranin sa kalinisan at kapaligiran.
Ayon kay Fernando Vinluan Jr., Assistant to the Punong Barangay, kabilang sa mga pangunahing hamon ang patuloy na pagkalat ng basura at ang presensya ng mga asong nagkakalat nito.
Dahil dito, nakikita ang pangangailangan ng mas malawak na edukasyon sa mga residente upang mabago ang kanilang nakasanayang gawi.
Bagamat mayroon nang umiiral na ordinansa hinggil sa waste segregation, kinakailangan pa itong higit na paigtingin upang masiguro ang maayos na implementasyon. Isa sa mga nakikitang hakbang ng barangay ay ang pagsasagawa ng mga seminar at information drive upang maunawaan ng mga mamamayan ang kahalagahan ng paghihiwalay ng basura.
Mayroon nang nakatalagang pasilidad tulad ng dumpster sa barangay kung saan maaaring itapon ang basura, at may regular ding koleksyon upang mapanatili ang kalinisan sa lugar.
Patuloy ang pag-aaral at paghahanda ng barangay sa mga hakbang upang tuluyang maisakatuparan ang maayos na waste segregation, na inaasahang makatutulong sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa komunidad.










