Nagbabala ang BAN Toxics sa publiko matapos matuklasan ang pagkakaroon ng mga nakalalasong kemikal tulad ng lead, cadmium, at mercury sa ilang lipstick na ibinebenta sa merkado.
Ayon kay Tony Dizon, Campaigner ng BAN Toxics, maaaring makapinsala ang mga produktong ito sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran, lalo’t madalas itong ginagamit sa labi at paulit-ulit na na-aapply.
Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Dizon na katuwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang BAN Toxics sa ilang programa upang maprotektahan ang kalikasan.
Ayon kay Dizon, masusing sinusubaybayan ng BAN Toxics ang mga cosmetic products na ibinebenta sa pamilihan, partikular sa murang halaga sa mga bangketa at merkado.
Ang pagsusuri ay hindi lamang para tiyakin na kumpleto ang impormasyon sa produkto kundi upang matukoy ang presensya ng mga delikadong kemikal tulad ng lead, cadmium, mercury, at parabens.
Bagamat hindi labis ang antas ng mga ito, lumalampas pa rin sa limit na itinakda ng ASEAN Cosmetic Directives, na siyang gabay para sa standard sa rehiyon.
Ipinunto ni Dizon na walang ligtas na antas ng exposure sa ilang kemikal na matatagpuan sa mga kosmetiko, lalo na sa lead.
Binanggit din nito na ang maling pagtatapon ng mga produktong may nakalalasong kemikal ay nagdudulot ng polusyon sa tubig at lupa.
Nagpahayag din siya na patuloy silang nagsasagawa ng seminars at nagpo-post ng impormasyon online upang turuan ang publiko kung paano ligtas na gamitin at itapon ang mga pang-araw-araw na produkto.










