Dagupan City – Hindi na nakakagulat ang pagbasura ng impeachment complaint labay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa naging panayam ng Bomo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional law expert ang pagkakabasura ng dalawang impeachment complaint ay nangangahulugan na saklaw na ng one-year ban rule ang Pangulo.

Ani Cera ito ay alinsunod sa Saligang Batas, kaya’t hindi na maaaring muling sampahan ng panibagong impeachment complaint sa loob ng isang taon.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Cera na sa ikalawang reklamo, ang pangunahing isyung dapat sana umanong binigyang-diin ay kung sapat ba ang ebidensya at kung ang mga alegasyon ay maituturing na impeachable offense.

Gayunman, aniya, hindi ito lubusang natalakay ng House Committee on Justice sa kanilang resolusyon.

Dagdag pa ni Cera, sa ilalim ng 1987 Constitution, mas pinalawak ang kapangyarihan ng hudikatura. Kahit pa aniya legislated o dictated ang naging pagboto ng mga mambabatas, wala na umanong magagawa ang Kongreso kapag may pinal na desisyon na ang Korte Suprema hinggil sa mga ganitong usapin.

Matatandaang ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos matapos ideklarang “insufficient in substance.”

Sa botong 42 pabor, 1 tutol, at 3 abstention, inaprubahan ang mosyon na ideklarang insufficient in substance ang unang impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre de Jesus.