Dagupan City – Ikinadismaya ng isang Constitutional Law expert ang napaulat na wala na sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic si Former Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na ayon sa kanya ay maaaring magpabalik sa simula ng imbestigasyon ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert, “frustrating” ang nangyaring ito, lalo na kung totoo ngang nakalabas na ng nasabing bansa ang suspek.
Aniya, kung mapapatunayang nakatakas si Co, may posibilidad na may “something” o iregularidad sa naging takbo ng mga pangyayari.
Dagdag pa ni Cera, nakaaapekto rin ito sa kredibilidad ng pamahalaan, lalo na’t nauna nang inihayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na malapit nang mahuli si Co matapos kumpirmahing nasa Czech Republic ito.
Sa kabila nito, umaasa pa rin si Cera na magbubunga pa rin ang imbestigasyon at posibleng may mas malalaking personalidad o “big fish” na masangkot at mapanagot sa mga katiwalian.
Kaugnay nito, inagtanggol naman ng Palasyo Malacañang na walang “premature” sa naging pahayag ng pangulo tungkol sa umano’y pagkaka-detain ng dating House appropriations panel chair na si Zaldy Co sa Czech Republic.










