Dagupan City – Inaasahang magtutuloy-tuloy sa Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang mga nakalap na ebidensya at ang pag-apruba ng House Committee on Justice.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert, nakasalalay pa rin sa magiging desisyon ng mga mambabatas kung mag-aagree ang justice committee o hindi, ngunit sa oras na maipasa ang Articles of Impeachment, ito na ang magiging batayan ng paglilitis.

Ipinaliwanag din niya na kinakailangang makakuha ng hindi bababa sa 1/3 votes o 106 boto mula sa mga miyembro ng Kamara upang tuluyang umusad ang impeachment.

--Ads--

Aniya, kung ano lamang ang nakasaad sa Articles of Impeachment ang siyang tatalakayin sa proseso, at hindi na ito maaaring dagdagan o baguhin.

Ang mga ebidensyang naipresenta sa justice committee ang magsisilbing pundasyon ng kaso.

Babala pa ni Cera, kung hindi gagampanan ng mga senador ang kanilang tungkulin sa kabila ng mga ebidensya, maaari itong magdulot ng seryosong kahihinatnan at maging batikos laban sa kanila.

Matatandaan na inilatag ang apat na pangunahing paratang sa bise gaya na lamang ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman at kakulangan sa SALN disclosures, bribery at graft and corruption na kinasasangkutan ng mga opisyal sa kanyang tanggapan, at umano’y banta kaugnay ng isang planong laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang ang Pangulo.

Batay ang mga paratang na kinumpirma ng Commission on Audit, Anti-Money Laundering Council, at testimonya ng mga auditor, forensic experts, at iba pang saksi.

Samantala, nauna nang inaprubahan ng House Committee on Justice ang report at resolusyon na naglalaman ng Articles of Impeachment laban kay Duterte, na nagbubukas ng daan para sa plenary vote na inaasahang gaganapin sa Mayo 11.

Ayon sa mga opisyal ng Kamara, inaasahang magsisimula ang plenary debates ngayong linggo, at kumpiyansa ang ilang mambabatas na maaabot ang kinakailangang 106 boto upang maisulong ang impeachment.