Isang malaking development ang ibinunyag na halaga ng mga kahina-hinalang bank transactions na tinalakay sa impeachment hearing kahapon ng House Committee on Justice.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional lawyer, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi magiging hadlang ang bank secrecy sa mga nakumpirmang bank transaction dahil bahagi ito ng isang impeachment proceeding, kung saan maaaring mabuksan at masuri ang mga ganitong rekord.
Batay sa affidavit nina dating senador Antonio Trillanes IV at AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, nakumpirma ang ilang bank transactions na nagsisilbing mahalagang rebelasyon sa mga transaksyon mula pa noong 2010.
Kabilang sa mga tinukoy ay ang umano’y mga account na may kaugnayan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilan sa kanyang mga anak—sina Baste, Pulong, Vice President Sara, at Kitty—gayundin kay Honeylet.
Ayon sa dokumento, may mga transaksyong umano’y regular na naipapadala sa pamamagitan ng tseke at bank-to-bank transfers, na sinasabing nagmumula kay Samuel Uy, na iniuugnay bilang isang drug lord at may koneksyon umano kay Michael Yang, dating economic adviser ni Duterte, na nadawit din sa mga isyu kaugnay ng Pharmally, POGO, at ilegal na droga.
Dahil dito, mas lumawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa mga nasabing transaksyon ng dating first family.










