Dagupan City – Posibleng pag-issue ng perjury kaugnay ng pahayag ni dating senador Antonio Trillanes IV sa bank transfers, posibleng makaapekto sa impeachment proceedings — Constitutional Law expert.

Maaaring makatulong o makaapekto sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings ang usapin ng perjury kaugnay ng mga naunang pahayag ni Trillanes.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert, mahalagang suriin ang mga impormasyong lumitaw, kabilang ang mga impormasyong may mga transaksyong pinansyal na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

--Ads--

Ipinaliwanag ni Cera na sa konteksto ng impeachment, maaaring hindi saklaw ng mahigpit na probisyon ng bank secrecy law ang ilang impormasyon, lalo na kung ito ay tatalakayin sa Senado.

Nauna nang nilinaw ni Cera na may kapangyarihan ang mga institusyon gaya ng AMLC at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magbahagi ng kaukulang datos kung ito ay may kaugnayan sa isang legitimate process tulad ng impeachment.

Binanggit din sa mga pagdinig ang mga tanong ukol sa umano’y bank transfers, kabilang ang mga naunang isyung iniuugnay sa 52 accounts bank deposits, na unang lumutang sa mga pahayag ni Trillanes.

Sa ganitong sitwasyon, sinabi ni Cera na kung mauuwi ito sa kasong perjury, kakailanganing patunayan kung mayroong maling pahayag na ginawa.

Nauna nang naiulat na may mga katanungan hinggil sa malalaking halaga ng bank transfers sa ilang pagdinig kung saan kabilang sa mga nag-usisa sina Leila de Lima at iba pang opisyal.

Gayunpaman, wala pang kumpletong opisyal na kumpirmasyon sa lahat ng detalye ng mga nasabing transaksyon.

Ayon kay Cera, kung tuluyang aabot sa Senado ang usapin, inaasahang magiging mas detalyado ang pagtalakay, kabilang ang masinsinang cross-examination at mas malawak na pagtatanong sa mga testigo, alinsunod sa proseso ng impeachment court.