Maaaring magkaroon ng pananagutang sibil ang paaralan at mga magulang ng estudyante na sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert at dating propesor sa isang unibersidad sa Dagupan, bagama’t wala nang haharap na criminal liability ang suspek dahil nasawi rin ito sa insidente, hindi nangangahulugang wala nang maaaring managot sa iba pang aspeto ng batas.
Ayon sa abogado, maaaring suriin ang pananagutan ng paaralan kung mapapatunayang nagkulang ito sa pagbibigay ng sapat na seguridad at proteksiyon sa mga estudyante habang nasa loob ng campus.
Bukod sa paaralan, maaari rin umanong magkaroon ng pananagutang sibil ang mga magulang ng menor de edad na suspek, lalo na kung mapapatunayang may kapabayaan sa pag-iingat ng baril na ginamit sa insidente.
Para kay Cera, mahalagang siyasatin kung nagkaroon ng kapabayaan sa pag-iingat ng baril at kung paano ito napunta sa kamay ng menor de edad.
Ipinaliwanag din niya na magkaiba ang pananagutan ng paaralan at ng mga magulang. Maaaring humingi ng danyos ang pamilya ng nasawing estudyante laban sa mga itinuturing na responsable sa insidente, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon at sa mga ebidensiyang maiharap.
Gayunman, maaari umanong gamitin ng paaralan at ng mga magulang ang depensang nagkaroon sila ng sapat na “diligence of a good father of a family” o ginawa nila ang lahat ng makatwirang hakbang upang maiwasan ang insidente.
Samantala, posible rin umanong magkaroon ng legal na hakbang para sa mga estudyanteng nakaranas ng matinding takot at trauma matapos masaksihan ang pamamaril.










