Mga kabombo! Ano ang kaya mong gawin para mapansin ka ng crush mo?
Isa ka ba sa mga umaaligid-aligid sa tabi-tabi para lamang mapansin ni crush?
Isang 33-anyos kasi na babae sa Pinhalzinho, Brazil ang nag-viral matapos aminin na lagi siyang pumupunta sa mga lamay sa kanilang komunidad sa loob ng mahigit dalawang taon para lang mapansin ng isang undertaker.
Sa isang panayam, ikinuwento ni Daniela na una nitong nakita si undertaker na kinilalang si Apollo noong 2023 sa burol ng isang kamag-anak.
Mula noon, nabighani na siya sa binatang undertaker na siyang namamahala sa paghahanda ng mga labi ng mga yumao at pag-aasikaso ng burol at libing.
Dahil hindi niya alam kung paano makakalapit, tuwing ikatlong buwan ay sinasadya ni Daniela na dumalo sa iba’t ibang burol sa kanilang bayan.
Ayon sa kanya, hindi naman ito masyadong kahina-hinala dahil kilala ng mga taga-roon ang isa’t isa at karaniwan na ang pakikidalamhati.
Ngunit sa kabila ng kanyang pagsusumikap, hindi kaagad siya napansin ni Apollo na abala sa kanyang trabaho.
Gayunpaman, hindi naman nagpatinag si Daniela, hanggang sa unti-unti na ring lumambot ang puso ni undertaker.
At dumating na sa puntong nagsimula silang mag-usap, hanggang sa naging opisyal silang magkasintahan.
Hanggang sa dumating ang inaasan na kasal ng dalawa, anila nagulat ang kanilang mga bisita sa araw ng kanilang kasal matapos silang dumating sa venue sakay ng isang karo ng patay—bilang simbolo ng simula ng kanilang pagmamahalan.