BOMBO DAGUPAN – Natagpuang wala ng buhay ng kaniyang 5 taong gulang na anak ang isang lalaki sa Brgy. Binday sa bayan ng San Fabian.

Kinilala ang biktima na si Arnhel Juguilon Gatchalian, 36 taong gulang, may asawa, construction worker, at residente ng nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLT.COL. Michael Datuin, COP San Fabian PNP na narinig ng kapatid ng biktima na umiiyak ang 5 taong gulang na anak nito.

--Ads--

Nag-udyok ito upang kanyang tignan ang loob ng bahay at natuklasan na ang biktima ay nakasabit na gamit ang isang nylon na lubid na nakapulupot sa kanyang leeg habang ang dulo ng lubid ay nakatali sa kisame na gawa sa kawayan.

Agad namang kinalagan ng kanyang mga kaanak si Arnhel at dinala sa Region 1 Medical Center, Dagupan City ng kanyang mga kaanak at rumespondeng mga tauhan ng PNP para gamutin, ngunit idineklara itong Dead On Arrival (DOA) ng attending physician.

Napag alaman na hiwalay na sa kanyang asawa ang biktima at may kasalukuyang live-in partner ito ngunit sila ay naghiwalay na din dahilan upang siya ay dumanas ng depresyon at madalas na nakikitang umiinom ng alak nang mag-isa.

Samantala, wala namang nakitang senyales ng foul play.

Kaugnay nito nagpalala naman si Datuin na kapag napansing balisa ang isang kaanak ay huwag itong hahayaang mag-isa.