Nasawi ang isang lolo matapos malunod sa isang sapa sa Brgy. Cabacaraan, sa bayan ng San Manuel, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay police major Tristan Jorge P. David, officer in charge ng San Manuel Police station, kinilala ang biktima na si Bartolome Bernardino Dela Cruz, 63 anyos at residente sa nasabing lugar.
Nakatanggap ng tawag ang San Manuel Police Station hinggil sa nangyaring insidente.
Agad ding nagrespondi ang kapulisan at nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang asawa na si Sonia Gutay Dela Cruz.
Lumalabas sa initial investigation na ang mag asawa ay dumalo pa sa isang birthday party sa kanilang kapitbahay.
Nang bandang hapon ay nagpaalam ang biktima sa dinaluhang okasyon para kunin ang kanyang kalabaw na nakatali malapit sa sapa.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, pasado ala 5 na ng hapon ay nagulantang na lamang ang misis nito nang makita ang mister na palutang-lutang na sa sapa.
Agad na naisugod ang biktima sa San Manuel Rural Health Unit (RHU), ngunit ideneklara rin itong dead on arrival (DOA) ng attending physician.
Pinaniniwalaan na dahil sa kalasingan at sinabayan pa umano ng naranasang pulikat kaya nangyari ang insidente.