Mariing itinanggi ng International Criminal Court (ICC) ang mga lumabas na ulat na umano’y naglabas na ito ng arrest warrant kaugnay ng patuloy na imbestigasyon nito sa sitwasyon ng kampanya kontra droga sa Pilipinas.

Ito ay matapos kumalat sa ilang pahayagan at online reports ang balitang may inilabas na umanong warrant laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at isa sa mga pangunahing nagpapatupad ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang kabilang si Dela Rosa sa mga personalidad na pinangalanang posibleng “co-perpetrator” sa imbestigasyon ng ICC hinggil sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao at extrajudicial killings na naganap sa kasagsagan ng anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

--Ads--

Sa isang pahayag, nilinaw ng ICC na wala silang inilalabas na opisyal na impormasyon ukol sa umano’y arrest warrant.

Tumanggi rin ang korte na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa iba pang confidential o sensitibong usapin na may kaugnayan sa kanilang imbestigasyon.

Bago pa man ang pahayag ng ICC, sinabi na rin ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala silang natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon o impormasyon hinggil sa naturang ulat.

Patuloy namang sinusubaybayan ng publiko at ng iba’t ibang sektor ang mga susunod na hakbang ng ICC kaugnay ng imbestigasyon nito sa madugong kampanya kontra ilegal na droga sa bansa, na matagal nang usapin sa larangan ng hustisya at karapatang pantao.