Nagkaisa ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan City sa pagsuporta sa panukalang ordinansa na naglalayong palakasin at gawing mas makabago ang Dagupan City Local AIDS Council (LCAC) bilang tugon sa patuloy na banta ng HIV/AIDS sa komunidad.

Sa sesyon ng konseho, inihain ni Councilor Jaja Cayabyab ang mosyon upang pagtibayin ang Draft Ordinance No. 034-2026 na may layuning gawing mas organisado at mas epektibo ang operasyon ng Local AIDS Council.

Ipinaliwanag ni Cayabyab na iminungkahi niyang baguhin ang terminong “creating” sa pamagat ng ordinansa at gawing “institutionalizing” dahil mayroon nang umiiral na ordinansa kaugnay ng konseho at kinakailangan na lamang itong palakasin at palawakin.

--Ads--

Ayon pa sa kanya, kabilang sa mga planong idagdag sa komposisyon ng konseho ang mga kinatawan mula sa Gender and Development Office at Liga ng mga Barangay upang mas mapalawak ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor sa mga programang may kaugnayan sa HIV/AIDS prevention at awareness.

Samantala, nagpahayag naman ng matibay na suporta si Councilor. Michael Fernandez sa naturang panukala at inirekomendang i-refer ito sa Committee of the Whole para sa mas malalim na pagtalakay.

Sinabi ni Fernandez na mahigit isang dekada nang umiiral ang ordinansa para sa HIV/AIDS Council ng lungsod kaya kinakailangan na itong repasuhin at i-update upang mas maging angkop sa kasalukuyang panahon.

Aniya, bagama’t hindi gaanong lantad ang usapin dahil sa umiiral na Data Privacy Law, nananatiling nakaaalarma ang pagkalat ng HIV at AIDS.

Nagpahayag din ng suporta si Councilor. Joey Tamayo na pinuri ang pagsisikap ng mga nagsusulong ng ordinansa, partikular ang mga kasapi ng konseho na may adbokasiya sa kalusugan.

Ayon kay Tamayo, mahalagang mabuo at mapalakas agad ang Local AIDS Council upang masubaybayan ang sitwasyon ng HIV/AIDS sa lungsod.

Naalala rin niya ang naging hakbang noon ng lokal na pamahalaan kung saan pinangunahan umano ni Vice Mayor Brian kua ang pagpapasailalim sa HIV/AIDS testing bilang bahagi ng kampanya para sa kamalayan at pag-iingat sa kalusugan.

Sa kabuuan, ipinakita ng mga konsehal ang pagkakaisa sa pagsusulong ng mas matatag na polisiya at programa laban sa HIV/AIDS, kabilang ang pagpapalawak ng representasyon sa konseho, mas maigting na monitoring, at pagpapalakas ng information at prevention campaigns para sa kapakanan ng mga Dagupeño.