Dagupan City – Nagbigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) Central Pangasinan ng TUPAD program at livelihood assistance sa mga sektor na lubos na naapektuhan ng kasalukuyang energy crisis ng bansa.
Kabilang sa mga ito ang mga nasa transport group, mangingisda, magsasaka, turismo, at konstruksyon.
Ayon kay Rhodora Dingle, Head ng DOLE Central Pangasinan, ang mga sektor na nabanggit ang binibigyan ng prayoridad ngayon upang matulungan sila sa pamamagitan ng mga programa ng ahensya.
Nagkaroon na sila ng implementasyon noong buwan ng Abril kung saan ang kanilang naging target na natulungan ang mahigit 4,000 beneficiaries sa pamamagitan ng TUPAD program, bukod pa sa mga nakalaan para sa livelihood assistance.
Kaugnay nito, isinasagawa aniya ang mga programang ito sa pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) upang mas mapadali ang pagtukoy at pagpili ng mga benepisyaryo.
Idinagdag pa ni Dingle na sa kasalukuyan ay wala pang nagrereport sa kanilang opisina ng tuluyang pagsasara ng negosyo sa ilang establisyimento sa kanilang nasasakupan ngunit ang mayroon lamang ay mga nagpatupad ng compressed work week, katulad ng ginagawa ng gobyerno, upang makatipid sa gastusin sa kanilang mga lugar na pinagtatrabahuan at wala din namang nagbawas ng kanilang empleyado.
Hinihikayat naman nito ang publiko na lumapit sa opisina ng DOLE kung sila ay nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin din na patuloy na ipinapatupad ng DOLE ang TUPAD at livelihood assistance para matugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa at negosyante sa panahon ng krisis.










