DAGUPAN CITY- Naglulunsad na ng mga hakbang ang lokal na pamahalaan ng Dagupan para linisin at irehabilitate ang mini dump site na nasa Material Recovery Facility (MRF) ng Barangay Bonuan Binloc.

Ayon kay Bernard Cabison, Head ng Waste Management Division (WMD), natuklasan ang sitwasyon sa lugar noong bumisita si Mayor Belen T. Fernandez at pagmonitor ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 1.

Nakita nila ang tambak ng mga basura kaya binigyan nila ng tugon para maayos ito kaagad.

--Ads--

Binigyang-diin ni Cabison na tinututukan nila ang isyu upang hindi lumala ang problema sa basura sa lungsod, lalo na’t naipasara na ang dating dumpsite sa Bonuan Gueset.

Ayon sa kanya, nagsasagawa na ng paglilinis sa lugar at inaasikaso na ito gamit ang mga kagamitan sa basura ng lungsod.

Pagpapaliwanag nito na hindi isasara ang MRF kundi ang pagtatapon lamang sa Mini Dumpsite ng barangay dahil aayusin ang pangangasiwa dito at babakuran ang ilang bahagi nito.

May mga ulat kasi aniya na pinagtatapunan ang lugar ng ilang trak na nagmumula sa ibang lugar, kaya kailangang bakuran ito para pigilan ang mga hindi awtorisadong pagtatapon.

Sa pamamagitan ng mga pag-aayos na ito, mas mapapalakas din ang pagpapatupad ng patakaran na “no-segregation, no-collection” Policy para masiguro na maayos ang paghawak ng mga basura.

Binigyang-diin din ni Cabison ang kahalagahan ng MRF sa mga barangay.

Ayon sa kanya, dapat gamitin ang MRF mula sa barangay para ayusin ang basurang nakokolekta sa bawat tahanan bago pa kunin ng mga trak ng lungsod.

Inaasahan na makukumpleto ang paglilinis at pag-aayos ng lugar sa huling linggo ng Mayo.

Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy na ang paghahakot ng mga nakatambak na basura para ganap na maalis ang problema.

Samantala, nagbigay na ng utos si Mayor Fernandez na magtulungan ang WMD at Engineering Office para tulungan ang Barangay Bonuan Binloc sa wastong paghawak ng kanilang mga basura at pag-aayos ng kanilang MRF.

Samantala, Papaigtingin pa lalo ng Pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc ang pagpapatupad ng “no segregation, no collection” Policy habang inaayos ang kanilang Material Recovery Facility (MRF) para mapabuti ang sistema ng paghawak ng basura sa lugar.

Binibigyang-pugay ni Kapitan Wilmer Castañares ang suporta ni Mayor Belen T. Fernandez sa proyekto ng pag-aayos ng MRF.

Inilunsad na dito ang iskedyul ng pagkolekta: tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes para sa mga nabubulok na basura; at tuwing Martes, Huwebes, at Sabado para sa mga di-nabubulok.

Ayon sa tala ng mga tagapangolekta, kinokolekta nila ang 7,000 hanggang 10,000 kilo ng basura araw-araw mula sa mga tahanan sa lahat ng sityo ng barangay – hindi kasama dito ang mga basurang mula sa labas ng Bonuan Binloc.

Inatasan na ang mga kagawad, barangay tanod, Lupon, at Barangay Health Workers (BHW) na maging frontliner sa pagtuturo at pagpapatupad ng tamang paghihiwalay ng basura sa bawat sityo.

Ayon pa kay Castañares, nakikita na ang ilang pagpapabuti sa sistema ngunit kailangan pang palakasin para maabot ang ganap na pagsunod ng lahat ng residente. Hinihiling niya ang tulong ng bawat isa na sumunod sa patakaran ng barangay.

Aniya na itinatayo na ngayon ang bagong bakod para bawasan ang lugar ng pasilidad, kung saan mahigit 1/4 na lamang ang matitira para sa paglalagay at paghihiwalay ng basura para sa kanila.

Plinano namang magkaroon ng mga “sitio-level MRF” para mapabilis ang proseso ng paghihiwalay at masiguro ang maayos na paghawak ng basura sa buong barangay.

Pansamantalang iipunin at iaayos muna ang mga basura sa mga nasabing pasilidad bago kunin ng mga kolektor ng lungsod.

Maglagay din sila ng CCTV at dagdagan ang solar lighting sa lugar para mamonitor at mabantayan ang mga maaaring magtapon ng basura nang hindi awtorisado.

Binibigyang-diin ni Kapitan Castañares na kailangan ang sama-samang paglahok ng mga residente para magtagumpay ang lahat ng programa ng barangay ukol sa pamamahala ng basura.