Inamin ng Tatlong (3) Pilipino na naaresto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa espionage na may kaugnayan sa Chinese intelligence na kumuha at nagbahagi ng sensitibong impormasyon tungkol sa mga operasyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ayon sa National Security Council (NSC).

Sa isang panayam, sinabi ni NSC spokesperson Assistant Director General Cornelio Valencia Jr. na ang mga nahuling indibidwal ay may koneksyon sa Department of Defense at Philippine Navy.

Ayon kay Valencia, kabilang sa mga ito ang isang empleyado ng Department of Defense, isang tauhan ng Philippine Navy, isang researcher ng Navy, at isa pang indibidwal na malapit sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard na may access sa mahalagang impormasyon ng bansa.

--Ads--

Sinabi ng opisyal na kabilang sa mga nakuhang datos ang listahan ng mga tauhan ng Philippine Navy na sangkot sa mga operasyon sa West Philippine Sea, pati na ang mga detalye ng operasyon tulad ng iskedyul at impormasyon tungkol sa rotation and resupply (RoRe) missions.

“These are critical things that were shared,” ani Valencia, na idinagdag na nadiskubre ng intelligence operations ang umano’y pagbabahagi ng impormasyon habang ito ay isinasagawa.

Ayon sa NSC, natukoy at napigilan na ng mga awtoridad ang espionage at iba pang “foreign-directed malign activities” na umano’y ginagawa ng mga Pilipinong kumikilos sa utos ng Chinese intelligence.

Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang mga pangalan at lokasyon ng tatlong suspek dahil sa usapin ng pambansang seguridad at kanilang kaligtasan.

Sinabi rin ni Valencia na kasalukuyang nakikipagtulungan ang mga suspek sa imbestigasyon habang pinag-aaralan ng legal team ng NSC kung anong mga kaso ang maaaring isampa laban sa kanila.

Samantala, nagpahayag ang NSC ng suporta sa panukalang bagong Anti-Espionage Law na layong palakasin ang kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno na imbestigahan at pigilan ang mga ganitong insidente.

Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), may mga katulad na insidente na ring natuklasan noong mga nakaraang taon, kabilang ang isang website na umano’y nagre-recruit ng dating mga miyembro ng militar upang magsilbi bilang consultants o advisers.

Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na nag-evolve na rin ang mga espionage activities sa mga nakaraang taon, kung saan ginagamit na rin ang modernong teknolohiya tulad ng cyber tools at surveillance devices.

Binanggit din niya ang mga insidente kung saan may nahuling sasakyan na may IMSI catcher —isang device na maaaring gamitin upang mangalap ng impormasyon mula sa mobile phones, at mga kagamitan na may kakayahang gumawa ng 3D at 4D mapping.

Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng AFP sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Bureau of Immigration, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at NSC upang mas mapalakas ang monitoring laban sa espionage activities.