BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang isang 21 anyos na motorista habang sugatan ang backride nito matapos makabanggaan ang isa pang motor sa bayan ng Sison.

Ayon kay Pcapt. Mark Billy Carbonel, Deputy Chief of Police ng Sison PNP, nakilala ang nasabing motorista na si Vincent Bejar, isang estudyante, at residente ng Purok 7 Tabtabungao, Rosario, La Union, at ang backride nito na si Aira Velasquez, 18 anyos, isa din estudyante, at residente naman ng Poblacion East sa parehong bayan.

Ang nakabanggaan naman nito ay ang motor na minamaneho ni Noime Penson, 39 anyos, isang housewife, at residente ng Brgy. Bulaoen East, sa bayan ng Sison.

--Ads--

Base sa kanilang imbestigasyon, gabi nang binabagtas nina Bejar ang Brgy. Bulaoen East, sa naturang bayan patungong hilaga habang nasa kabilang linya naman si Penson, patungong timog.

Nang mag-left turn si Penson, nakabanggaan na nito sina Bejar.

Nagtamo naman ang mga ito ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. At agad din dinala sa ospital ang mga ito ngunit idineklarang dead on arrival si Bejar.