Nagpaalala at nagbabala ang Umingan Municipal Police Station sa mga motoristang dumadaan at mamamayan sa bayan kasunod ng naitatalang serye ng aksidente sa kalsada ngayong taon.

Ayon kay Police Major Jimmy Paningbatan, Chief of Police ng Umingan MPS, umabot na sa sampu ang naitalang aksidente sa kalsada sa kanilang nasasakupan ngayong 2026, kung saan apat na ang pumanaw.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang biktima na nasagasaan ng isang bus kahapon.

--Ads--

Dahil dito, mas pinahigpit pa ng kapulisan ang pagpapatupad ng mga ordinansa sa trapiko at pampublikong kaligtasan sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng mga checkpoint at Oplan Sita sa mga pangunahing kalsada.

Binigyang-diin ni PMAJ Paningbatan na hindi lamang ang paggamit ng reflectorized vest ang kanilang binabantayan kundi ang pangkalahatang pagsunod sa batas-trapiko.

Inilahad ng opisyal na nabibigyan ng karampatang ticket ang mga motoristang walang lisensya, hindi rehistrado ang sasakyan, o walang protective gear habang nagmamaneho.

Layunin aniya nitong turuan ng disiplina ang mga drayber upang maging maingat at laging handa sa tuwing magmamaneho.

Muling nagpaalala ang opisyal sa mga residente ng Umingan pati na rin sa mga nagdaraang biyahero na tiyaking kumpleto at updated ang kanilang mga dokumento tulad ng lisensya at rehistro ng sasakyan, gayundin ang pagsuot ng tamang protective gear katulad ng helmet at vest upang makabiyahe nang maayos at makarating nang ligtas sa kanilang destinasyon.

Patuloy namang magiging masigasig ang kanilang hanay sa pagbabantay sa mga checkpoint at random Oplan Sita upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.