DAGUPAN CITY- Nahihirapan na umanong makipagsabayan ang mga traditional jeepney sa mga modernized transportation, bagay na nagpapahina sa kanilang kinikita sa pamamasada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Libert De Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization, pinipili na lamang ng mga mananakay ang airconditioned na transportasyon dahil sa mas komportable ito.

Bagaman aminado sa mas magandang serbisyo nito, giit ni De Luna na sumabay naman ang mga kolorum na sasakyan sa pag-agaw ng kanilang mga mananakay.

--Ads--

Umaasa sila na maaaksyunan ito agad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maiwasan ang paglala sa problema ng kanilang sektor.

Bukod pa riyan, patuloy pa ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin.

Hiling nila sa gobyerno na mapagbigyan sila sa fuel subsidy o contracting service kung hindi man mapakinggan ang kanilang Provisional Fair Increase na P1.

Samantala, umuusad na aniya ang pagsusulong ng PUV Modernization Program at pinaglalaanan na ito ng budget.

Ito ay kinakailangan na sapagkat sumusunod naman aniya sila sa kautusan ng gobyerno hinggil sa pagsulong nito.

At habang nakabinbin ang mga mosyon ng kanilang sektor, hiling ni De Luna na makarehistro na ang mga sumunod sa consolidation.