Pinaigting ng Pangasinan Police Provincial Office ang pagpapatupad ng mga alituntunin kaugnay ng pronouncement ng Department of the Interior and Local Government upang mapanatili ang kaayusan at disiplina sa mga komunidad sa lalawigan.
Ayon kay PCol. Arbel Mercullo, Provincial Director ng Pangasinan PPO, kabilang sa mahigpit na ipinatutupad ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, paggamit ng videoke at iba pang maingay na aktibidad pagsapit ng alas-diyes ng gabi, gayundin ang pagbabawal sa paglabas sa pampublikong lugar nang walang maayos na kasuotan sa itaas na bahagi ng katawan at ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad.
Sa tala ng pulisya, umabot na sa mahigit 800 citation tickets ang naipamahagi laban sa mga lumalabag sa mga nasabing alituntunin. Hinihikayat din ang publiko na agad mag-ulat sa barangay o kapulisan sakaling may makitang paglabag.
Samantala, ayon kay PLtCol. Junmar Gonzales, Chief of Police ng Lingayen PNP, suportado ng mga barangay ang naturang pronouncement at ipinatutupad na rin ang mga katulad na ordinansa, kabilang ang pagbabawal sa pag-inom sa lansangan at curfew. Sa kasalukuyan, nagsasagawa muna ng paalala ang kapulisan habang patuloy na minomonitor ang sitwasyon.
Tiniyak ng mga awtoridad ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa lokal na pamahalaan upang masiguro ang epektibong implementasyon ng mga direktiba ng DILG at ang pagpapanatili ng kaayusan sa buong Pangasinan.










