Dagupan City – Binigyang-diin ng Federation of Free Farmers, na isang positibong hakbang ang pagbisita ng pangulo sa mga magsasaka sa Benguet.
Gayunpaman, ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng samahan taun-taon na lamang umuulit ang mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka sa nasabing lugar.
Aniya, nananatiling malaking tanong kung bakit hindi pa rin nareresolba ang mga suliraning ito, lalo na’t nadagdagan pa ng mataas na presyo ng krudo at gastos sa transportasyon.
Dahil dito, nabawasan umano aniya ang biyahe ng mga trader, na direktang nakaapekto sa pagbili at distribusyon ng mga gulay mula sa mga magsasaka.
Ipinunto rin niya na posibleng lumala pa ang sitwasyon dahil sa patuloy na pagdepende sa importasyon.
Aniya, apektado rin ang imported na produkto dahil sa tumataas na shipping cost.
Maaari rin umanong magbawas ang mga importer ng volume ng kanilang inaangkat dahil sa dagdag na gastusin sa transportasyon, na posibleng humantong sa kakulangan ng suplay.
Samantala, sinabi ni Montemayor na bagama’t maganda pakinggan ang mga pangako ng fuel subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda, hindi pa ito lubusang nararamdaman ng lahat.
Limitado umano ang saklaw nito at may mahigpit na mga criteria, kaya’t nagmumukha lamang itong pangako sa maraming sektor.
Dagdag pa niya, lumalabas din umano sa kasalukuyang sistema na mas napapabilis ang pagtanggap ng ayuda ng mga may malapit na koneksyon sa mga politiko o opisyal ng pamahalaan, na nagdudulot ng hindi pantay na distribusyon ng tulong.










