Dagupan City – Malaki ang pagkakahalintulad ng tradisyon sa Semana Santa sa Spain.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eva Tinaza , Bombo International News Correspondent sa Spain at kaisa sa mga isinasagawang prosisyon sa Spain, nagsisimula na ang mga prosisyon sa lunes pa lamang ng Kuwaresma, kung saan aktibong nakikilahok ang mga residente sa iba’t ibang relihiyosong gawain.
Katulad ng “Visita Iglesia” sa Pilipinas, mayroon ding katulad na tradisyon sa Spain, subalit pito lamang na simbahan ang kanilang pinupuntahan.
Dagdag pa niya, isinasagawa rin ng mga Espanyol ang pag-aayuno o fasting, kung saan hindi sila kumakain ng karne.
Nagsisimula ito tuwing Lunes bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa Semana Santa.
Samantala, kung sa Pilipinas ay may mga deboto na nagsasagawa ng penitensiya tulad ng pananakit sa sarili bilang paggunita sa paghihirap ni Hesukristo, wala namang ganitong gawain sa Spain.
Sa halip, tampok sa kanilang tradisyon ang pagbubuhat ng malalaking imahen ng mga santo sa panahon ng prosisyon.
Isa naman sa mga pangunahing dinarayo ng mga deboto at turista ay ang Atocha, kung saan matatagpuan ang imahe ng “Medinaceli” na hinahalikan ng mga mananampalataya.
Inihalintulad ito ni Tinaza sa Quiapo Church sa Pilipinas, na dinarayo rin ng maraming deboto, lalo na tuwing Traslacion.










