DAGUPAN CITY- Kaugnay sa naging pahayag ni Governor Ramon V. Guico III, kanyang inatasan ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) na higit pang paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na street racing, partikular sa mga bypass road sa lalawigan.
Ayon kay PCapt. Anthony Doctolero, investigation officer ng San Carlos City PNP, kahit bago pa man ang direktiba ng gobernador ay tuloy-tuloy na ang kanilang operasyon laban sa ganitong aktibidad.
Ang bypass road sa nasabing syudad ay tinatawag na Coliling Phase Bypass na sumasaklaw sa mga barangay Coliling, Palamig, Pagal, Manzon, Magtaking, Mamarlao, San Juan, Caingal, at Paitan.
Aniya na may mga naka-deploy na pulis sa nasabing mga lugar, lalo na tuwing hapon at gabi kung saan ito ang mga oras kung kailan karaniwang nagtitipon ang mga residente at kabataan. Sa kabila nito, wala pa namang naitatalang vehicular traffic incident (VTI) na may kaugnayan sa drag racing sa nasabing bypass.
Dagdag pa rito, napag-alamang nagiging tambayan ang ilang bahagi ng bypass kaya’t patuloy itong binabantayan ng pulisya. Isa rin sa mga hamon na kinakaharap ng mga otoridad ay ang kawalan ng CCTV cameras sa lugar.
Ayon kay Doctolero, nakapaghain na sila ng kahilingan sa pamahalaang lungsod para sa paglalagay nito at kasalukuyan pang hinihintay ang aksyon.
Bukod naman aniya sa bypass, binabantayan din ng kapulisan ang iba pang kalsada sa lungsod na posibleng pagdausan ng street racing. Paalala naman ng mga awtoridad sa publiko na sumunod sa batas trapiko upang maiwasan ang aksidente at posibleng pananagutan sa batas.
Samantala, sa bayan ng Calasiao, patuloy din ang pagbabantay ng kapulisan sa mga lugar na kilalang pinagtitipunan ng mga motorista.
Ang bypass road sa nasabig bayan ang Arenas Boulevard Bypass Road na sumasaklaw sa Barangay Bued at nagsisilbing koneksyon patungong Mapandan at Mangaldan. Isa rin sa binabantayang lugar ang Calit–Lucao Road sa Barangay Banaoang, gayundin ang ilang bahagi ng hindi pa tapos na bypass sa Barangay Nalsian.
Ayon sa Calasiao PNP, may mga ulat na ang mga naturang lugar ay dinarayo hindi lamang bilang daanan kundi bilang tambayan, kung saan may mga nakatayong maliliit na kainan at madalas pagtambayan ng mga motorista. Dahil dito, mas pinaigting ang visibility patrol at pakikipag-ugnayan sa mga barangay officials upang maagapan ang anumang iligal na aktibidad.
Bagama’t may mga naitalang insidente ng aksidente na may kaugnayan sa racing sa mga nakaraang taon, sa kasalukuyan ay wala namang bagong naitatalang kaparehong insidente. Gayunpaman, hindi nagpapakampante ang pulisya at patuloy ang kanilang pagbabantay upang maiwasan ang pag-ulit ng mga trahedya.
Sa panig naman ng MDRRMO, patuloy ang kanilang paghahanda sa anumang posibleng emergency. Nakahanda ang kanilang response teams at kagamitan sakaling may mangyaring aksidente sa mga pangunahing kalsada at bypass.
Nakikipagtulungan din sila sa PNP at iba pang ahensya upang mas mapabilis ang responde sa oras ng pangangailangan.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga mahuhuling sangkot sa ilegal na street racing ay maaaring maharap sa kasong reckless driving at iba pang paglabag sa batas trapiko, at kung may madamay, maaari rin silang kasuhan ng reckless imprudence na may kaakibat na mas mabigat na parusa.










