DAGUPAN CITY—Ipinapaliwanag ni Roy Rene S. Cagalingan, Senior Language Researcher ng Sangay ng Impormasyon at Multimedia ng Komisyon sa Wikang Filipino, na ipinagdiriwang ang Buwan ng Panitikan tuwing Abril bilang pagkilala sa mga manunulat na isinilang o pumanaw sa naturang buwan.

Kabilang sa mga binigyang-diin niya ang mga pangalan nina Francisco Balagtas, Emilio Jacinto, Bienvenido Lumbera, Edith Tiempo, at Nick Joaquin, na aniya’y may malaking ambag sa paghubog ng panitikan sa Pilipinas.

Ayon kay Cagalingan, matagal nang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang panitikan. Bago pa man magkaroon ng sistema ng pagsulat, umiiral na ang tinatawag na Pabigkas na Panitikan kung saan ipinapasa ng mga ninuno ang kanilang karunungan sa susunod na henerasyon sa pamamagitan ng mga awit, epiko, bugtong, at salawikain.

--Ads--

Nang matutunan ang pagbasa at pagsulat, umusbong naman ang pasulat na panitikan na kinabibilangan ng maiikling kwento, sanaysay, tula, at iba pang anyo ng akdang nakasulat. Ginamit din aniya ang panitikan upang ipakita ang kalagayan ng lipunan at magsilbing instrumento sa pagbabago, tulad ng ginawa ng mga bayani ng bansa.

Sa kasalukuyan, patuloy ang paggamit ng panitikan bilang paraan ng pagkuha ng impormasyon, libangan, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Inilarawan din niya ang panitikan bilang “tanghalan ng haraya” na sumasalamin sa realidad, nakaraan, at maging sa mga posibilidad para sa hinaharap.

Sa kabila ng pag-usbong ng teknolohiya, nananatili ang panitikan sa iba’t ibang anyo tulad ng nilalaman sa social media at maging sa mga larong kinahihiligan ng marami.

Gayunpaman, hinihikayat ni Cagalingan ang publiko na higit pang paigtingin ang pagbabasa at tuklasin ang lalim ng panitikan lampas sa mga nakikita sa ating mga screen.